News & Promotions

‹ Back to News

AKSYON NGAYON Ni Al G. Pedroche

Raid sa Unioil sagwa ang dating!
AKSYON NGAYON Ni Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) Updated October 15, 2008 12:00 AM

KONTRABIDA ang dating ng Presidential Anti- Smuggling Group (PASG) sa ginawang raid kamakalawa sa imbakan ng langis ng Unioil sa Mariveles, Bataan.

Sa mata ng taumbayan, bida ang Unioil. Ang daming natuwang motorista kamakailan dahil sa malaking rollback na P3 kada litro ng diesel na ipinatupad ng Unioil habang yung ibang kompanya ay piso hanggang 2 piso lang ang ibinawas sa kanilang produkto.

Tapos darating ang PASG sa pamumuno ni Usec Tony Villar at sasabihing smuggled o hindi binayaran ng buwis ang kru-dong iniimbak ng Unioil. Katuwiran ng PASG, isang dummy corporation ang Unioil ng Oilink na naunang inasunto ng PASG sa umano’y di pagbabayad nito ng daang milyong pisong buwis sa pamamagitan ng technical smuggling. May posi­bilidad na totoo ito. Pero ang raid ay kontra-tiyempo. Habang ini-enjoy pa ng mga motorista ang mababang presyo ng gas ay mauunsiyami agad.

Kaya ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin: “Nag­mamalasakit ba ang pamahalaan sa maliliit na mamamayan o pinoprotektahan ang mga higanteng kompanya ng langis na patuloy na nagpapasasa at ayaw iakma ang mga ipinatutupad ng bawas-presyo sa pagbaba ng halaga ng krudong langis sa world market?”

Ayon sa computation ng transport sektor, sa halaga ng krudong langis ngayon, ang dapat na presyo ng petrolyo ay nasa P30 level na. Pero payag pa rin sila kung ibababa pa hanggang P40 ang halaga ng petrolyo bagay na tinututulan ng mga malalaking kompanya ng langis.

Mukhang iba ang sinasabi ng gobyerno sa ginagawa nito. Kesyo kukulitin daw at di tatantanan ang mga kompanya na ibagsak pa ng husto ang halaga ng petrolyo. Pero itong nag-iisang nagpatupad ng malaking rollback ay kinakastigo ngayon.

Pangit talaga ang dating sa mga mamamayan lalu na sa mga karaniwang drivers ang pagsalakay sa imbakan ng Unioil. Maski papaano’y malaking katipiran ang idinulot sa mga motorista ng Unioil dahil sa pinakamalaking bagsak-presyo nila. Kahit ako ay sa Unioil na nagpapa­kar­ga. Pero malamang hindi na ito muling makapag­bebenta ng murang diesel dahil sa nangyari.

Mantakin ninyo na kung sa ibang gasolina­han ay halos P48 ang presyo ng diesel kada litro, sa Unioil ay P45.91 lang! At ang masaklap na balita, mukhang nakaamba na naman ang pagtaas sa presyo ng imported crude oil. Kapag nangyari iyan, tiyak mabilis pa sa alas-kuwatro na magtataas ng presyo na naman ang mga gahamang kompanya ng langis.