News & Promotions

‹ Back to News

Reyes inutil sa DOE - Escudero

MANILA – Nais ng isang senador na magbitiw na sa puwesto si Energy Secretary Angelo Reyes dahil bigo umano ito na subaybayan ang pagtatakda ng presyo ng “Big 3" oil companies kumpara sa malaking rollback na ipinatupad ng independent player na UniOil.

Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni Senador Francis Escudero na dapat iwanan na ni Reyes ang DOE dahil hindi nito mabantayan ang presyo ng krudo sa world market na dapat sumalamin sa presyo sa lokal na merkado.

“Kung nagawa ng UniOil na magbaba ng presyo ng gasolina na umaabot sa P5 at P4 (per liter) naman sa diesel, mas higit na kayang magbaba ng tatlong dambuhalang kompanya ng langis. Hindi kaya nakikita ng kalihim ang pang-aabusong ito?," puna ng mambabatas.

Sinabi ni Escudero na nakasaad sa batas na dapat manmanan ni Reyes bilang pinuno ng DOE ang paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan partikular ang tatlong dambuhalang kumpanya na Shell, Petron at Chevron.

Hinihinala ng senador na lubhang nakatuon na ang atensyon ni Reyes sa posibleng pagtakbo sa 2010 elections kaya hindi nagagampanan ang sinumpaang tungkulin bilang pinuno ng DOE.

“Matagal ko ng pinanawagan, ito’y pang-apat na niyang departamento sa pamahalaan, marahil magkakaroon pa ng pang lima kung patuloy na ganito ang magiging performance ng Department of Energy, dalawang bagay lang naman yun kung saka-sakali, sobrang husay ng isang kalihim o hindi pa nakikita ng Pangulo kung saan talaga ang talento niya," ayon kay Escudero.

Bukod sa DOE, naging kalihim na rin si Reyes ng Department of National Defense, Environment and Natural Resources, at Interior and Local Government.

Iminungkahi naman ni Sen. Francis Pangilinan sa publiko na i-boykot ang gasolinahan ng tatlong dambuhalang kumpanya ng langis kung hindi nila kayang tapatan ang one time big time rollback ng UniOil.

“Ang apat na pisong rollback ng Unioil ay patunay na kayang mag-one time rollback ang oil companies na hindi magre-resulta sa pagkalugi at pagsara ng kanilang mga kumpanya," ayon kay Pangilinan.

“Kung hindi sila susunod sa pagbagsak ng presyo eh dapat i-boykot ang major players at sa maliliit tayo magpa-gasolina bilang protesta," idinagdag niya. - GMANews.TV